Ang kahulugan ng terminong ‘coalition’

By
|
Posted on May 04 2008
Share

Para po sa kaalaman ng nakararami. Ako din po ay hindi kabilang sa ano mang organisasyon ngunit pakiramdam ko po kailangan kong ipahayag ang aking opinyon tungkol sa sulat ng ating kababayang si Bb. Sherilyn Francisco ng Susupe, Saipan.

Kinailangan kong basahin ng makailang beses ito para maintindihan ko kung ano po ang kanyang ibig iparating. Sa aking personal na pananaw ay dapat nagsubok na kinontak nya si Bb. Irene Tantiado o isa sa mga miyembro ng the “Coalition” kasi yung kanyang isinulat ay punung-puno ng pahayag na pagkalito mula simula hanggang sa matapos.

Una, eto ang ibig sabihin ng salitang “Coalition” na aking nahanap sa Internet: Coalition An alliance of political groups formed to oppose a common foe or pursue a common goal.—American Heritage New Dictionary of Cultural Literacy, Third Edition. http://dictionary.reference.com/browse/coalition Meaning of coalition (noun) form plural: coalitions alliance; union; agreement – http://www.english- test.net/toeic/vocabulary/meanings/159/toeic-words.php#coalition COALITION.

PAGKAKAISA Sa isang taong sinasabing isa siyang tahimik na manggagawang pilipino, dapat ay kinausap niya si Bb. Tantiado upang hayaang bigyang linaw ang tunay na layunin ng “Coalition” bago magsulat sa pahayagan. Kung hindi ako nagkakamali, makailang beses din nabanggit ni Bb. Tantiado ang kanyang email address para sa mga taong may tanong o “concerns” tungkol sa grupo. Hindi po ba’t mas nakahihiyang maghayag ng opinyong hindi pa nakikita ang kabuuang bahagi ng kwento o napakinggan ang magkabilang panig upang mas maintindihan ang hindi maunawaan at nagpapagulo ng ating isip?

Nakasama na po ba siya sa isa sa mga pulong ng grupong kanyang ibinabanggit upang sabihing ang grupo ay gumagawa ng dahilan ng pagkakahiwa-hiwalay at pagkakawatak-watak ng mga manggagawa? Hindi po ba’t mas nakakahiyang mabasa ng ating mga kababayan sa sarili nating wika ang kanyang isinulat na sa aking pananaw ay lalong nakalilito sapagkat ito’y nagpapahayag ng mga opinyong walang basehan? Ako po ay sumasang-ayon din sa paniniwala nya na ang pagkakaisa ang malakas na sandata para maisulong ang mga magagandang layunin. Kaya nga po sila ay nagtatatag nang “Coalition of United Guest Workers” upang muling magkaisa ang lahat ng sumali at sumuporta sa “Unity March” upang mas lalong maipakita na tayong lahat ay nagkakaisa at may iisang layunin na ipinaglalaban at iisang interes na pinuprotektahan. Wala po akong nakikitang nakakahiya sa ginagawa ni Bb. Tantiado.

Bilib po ang nakararami sa kanya at sa iba pang hindi natatakot na magsalita at ipaglaban ang sa kanyang pananaw ay tama at parehas para sa lahat. Ganyan po ba ang tingin natin sa mga taong walang ginagawa kundi maging boses ng sambayanan na pinaglalaban ang karapatan ng kanyang kapwa? Upang sila’y makilala at maging popular? Hindi po yata nararapat na pag-isipan ng masama ang taong ang tanging layunin ay makatulong sa kapwa…

Ako po ay may isang tanong kay Bb. Sherilyn Francisco. Ang naunang grupo po ba na inyong binabanggit ay ang Dekada na pinamumunuan ni Gg. Boni Sagana? Kung hindi po ako nagkakamali, sa akin pong pagkakaalam ay sila po ay kasali sa grupong iniimbitahan na makiisa sa “Coalition”. Sa dahilang aking nabanggit na layunin ng grupo na magkaisa muli ang mga taong nakibahagi sa makasaysayang “Unity March”.

Papaano pong inyong sinasabi na ang ginagawa ng Coalition ay magkahiwa-hiwalay ang manggagawa? Mensahe po kay Bb. Irene Tantiado. Hiling ko po ay sana mailathala ninyo po ang layunin ng inyong itinatatag na organisasyon upang maliwanagan ang ating mga kababayan at maiwasan na ang mga haka-hakang wala namang matibay na batayan. Sana po ay magkaroon tayo ng bukas na pag-iisip sa lahat ng bagay mapaito’y may kinalaman o epekto sa atin o hindi.

Hindi po masamang magtanong at wala pong walang kwentang katanungan. Upang maiwasan po ang hindi pagkakaunawaan tayo po sana ay magkaroon ng bukas na komunikasyon at malawak na pagiisip upang sa gayon ay maipagpatuloy natin ang pagkakaisang ating minimithi. Kay Bb. Irene Tantiado at sa mga bumubuo ng Coalition. Mula po sa aming puso, Maraming maraming salamat po.

[B]Dianne Francisco[/B] [I]As Perdido, Saipan[/I]

Disclaimer: Comments are moderated. They will not appear immediately or even on the same day. Comments should be related to the topic. Off-topic comments would be deleted. Profanities are not allowed. Comments that are potentially libelous, inflammatory, or slanderous would be deleted.